filipino pop culture in advertisements
TALINGHAGA AT PAHIWATIG: ESTETIKA NG POETIKONG TEKSTO SA KULTURANG POPULAR
ni Romulo P. Baquiran, Jr.
Pagdama at Pag-unawa sa Talinghaga at Pahiwatig
Ayon kay Lope K. Santos, naisasakatuparan ang pagkatula ng tula sa pamamagitan ng pagtataglay ng “tugma, sukat, talinghaga, at kariktan.” Madalas talakayin ang unang dalawang kategorya bilang mga salik na nagbibigay ng estetikong kaluguran sa pakikinig at pagbabasa ng tulang Filipino. Karaniwan kasing midyum ng anyo ng tula ang tugma at sukat. Higit na tumitimo sa pandinig ang tula at naiiwan sa kamalayan kapag ito’y nasa anyong may tugma at sukat. Ang repitisyon at varyasyon ng dalawang ito ang pangunahing lumilikha ng ritmo sa tula at bumibighani sa tagapakinig. Inaakala ng marami hanggang ngayon na tula na ang teksto kapag ito’y mayroong tugma at sukat. Ang mga ito’y may lingguwistikong materyalidad na matutukoy sa pasalita at lalo na sa nakalimbag na midyum. Kaya marahil higit na madaling pagtuunan ng pagsusuri. May numerikong katumbas ang sukat. Samantala, mailalarawan naman ang uri ng mga tugma at varyasyon nito ayon sa pagkakagamit sa tula. Sa modernong yugto, hindi na mga imperatibong salik ang tugma at sukat para matawag na tula ang tulang Filipino. Tula nang maituturing ang nakasulat sa malayang taludturan. Bagama’t bihirang mapag-usapan ang huling dalawa—ang talinghaga at kariktan—hanggang ngayon nama’y hindi naiwawaglit ang mga ito bilang mga salik sa pagkatula ng tula. Ang talinghaga at ang kariktan ay hindi madaliang mabibigyan ng numerikong korespondensiya; hindi ito basta nalalagyan ng marka at matutukoy at masusukat sa mismong papel. Saan ba nagmumula ang talinghaga at ang kariktan? Paano ba ito naipapahiwatig? Paano ba ito nalilikha? Sino ang lumilikha? Ito ang susubuking talakayin sa papel na ito bilang panimulang paggalugad sa katangian ng estetikong karanasan sa pagbasa ng modernong tulang Filipino. Sisipatin sa talakay ang ilang teksto ng mga piling tula na ipinagpapalagay na nagtataglay ng mga simptomatikong katangian ng maituturing na “marikit” o “maganda” o bukal ng estetikong kaluguran sa pagbasa at pag-unawa sa modernong tulang Filipino.
May isang kabanatang inilaan si Virgilio S. Almario tungkol sa talinghaga sa kaniyang librong Taludtod at Talinghaga. Binanggit niya ang pagtukoy ng mga naunang iskolar at makata sa talinghaga bilang “hiwaga” o “misteryo” na taglay ng tula. Hindi ito nabigyan ng masinsinang pag-aaral ng mga makatang Tagalog tulad nina Lope K. Santos, Teodoro Gener, atbp. sapagkat itinuturing nila ang talinghaga bilang maliwanag at likas na bahagi ng tula. Bakit ipaliliwanag ang isang bagay na bagamat misteryo ay nauunawaan naman ng karamihan bilang maliwanag na misteryo? Sa aking palagay, ang misteryong ito’y walang dili iba’t ang “tradisyon” sa pagtulang Tagalog (pagkalao’y “Filipino”). Sapagka’t nakalugar ang makata at ang kaniyang publiko sa iisang kontekstong panlipunan at puntong historiko na siyang batayang sanhi ng pagkakaroon nila ng halos magkatulad na pananaw-sa-daigdig, ang misteryo o ang pahiwatig ng talinghagang nakapaloob sa tula ay hindi sagabal sa pag-unawa sa akda. Ang semantikong larang o ang sakop ng poetikong pagpapakahulugan ay kapuwa nababatid ng autor at ng kaniyang publiko. Sa isang pagsasabi, nagiging popular ang mga makata—agad maiisip na halimbawa sina Jose Corazon de Jesus noong 1920s at 1930s at si Amado V. Hernandez noong 1960s at 1970s—dahil nagiging tinig sila ng kanilang panahon. Nahuhuli ng kanilang publiko ang kanilang ipinatatalastas na pahiwatig at talinghaga. Naipapahayag nila ang sentimyentong pambayan. Sa ganito’y naisasakatuparan ang dinamikong relasyong dapat na mamagitan sa autor at publiko. Habang nakararanas ng estetikong kaluguran sa likha ng autor, maaasahan ang pagtangkilik ng publiko.
May panukalang paglalarawan si Almario sa talinghaga at sa pahiwatig nito para sa mambabasa at sa panahon ng pagkalikha ng tula:
Ang talinghaga ang buod ng pagtula. Ito ang utak ng paglikha at
disiplinang pumapatnubay sa haraya at sa pagpili ng salita habang
isinasagawa ang tula….May panloob at panlabas na puwersang
pumapanday sa talinghaga….Kailangan muna ang isang pangyayari na
labas sa katauhan ng tao…pagkaraan, kailangang malangkapan ito ng
pagkilos ng haraya o anuman yaong panloob na lakas ng tao na sumisipsip
at humuhubog sa nasipsip tungo sa isang bagong anyo ng karanasan
pagkatapos ipahayag…ang pagkilos ng talinghaga ay pabago-bago at di
pantay sa iba’t ibang pagkakataon.…Dumadaloy ang talinghaga sa
diyalektika ng karanasan at pagsasawika ng karanasan.[1]
Sumasang-ayon ang mag-aaral na ito na isang pagtatalaban ng mga panlabas at panloob na salik ang pasusulat ng tula, o ng pagbuo ng talinghaga sa partikular. Lumilitaw na pangunahin ang papel ng manunulat sa engkuwentrong ito na magsisilang sa akda. Ngunit hindi naman monolitiko ang kapangyarihan ng manunulat kapag sinaluysoy ang buong kairalan ng isang teksto. Isa lamang ang autor sa mga elementong bumubuhay sa tula. Kung sisipatin ang panlabas na salik, maraming matutukoy na ramipikasyon na pawang umiimpluwensiya sa proseso ng pagkabuo ng talinghaga ng tula sa kamalayan ng makata. Ang kaniyang lipunan at kultura ay mayroong mga puwersang hindi maaaring hindi pansinin ng autor. Ang mga ito’y maaaring magtakda sa kaniya ng mga tunguhin upang sumulat sa isang anyong magbibigay sa kaniyang tula ng katangian na maggagawad dito ng kairalang maaaring tugma o higit sa kaniyang inaasahan. Ilan sa mga panlabas na salik na ito ang tradisyong pantula, sosyo-politiko-ekonomikong lagay ng lipunan, mga pangkulturang tunguhin, at higit sa lahat ang lagay ng kamalayan ng kaniyang publiko o mambabasa. Sa katunayan, isang mahigpit na ugnayan ng manunulat at publiko sa konteksto ng kanilang lipunan ang “rikit” o “bisa” ng tula. Masalimuot na depinisyon ang hinihingi ng pagdurugtong ng “rikit” bilang kahalili ng “bisa” ng tula. Maaaring isa lamang ang kariktan sa mga bisa ng tula ngunit masasabi ring kung marikit ang kabuuang bisa ng tula, maipagpapalagay na malawak ang pagkakapareho ng saklaw ng dalawang terminong ito. Magbibigay ng halimbawang pagsusuri ng teksto na magpapakita ng talaban ng mga salik na ito sa ibang bahagi ng papel na ito.
Ipinagpapalagay na marapat na magkaroon ng mahigpit na pagkakawing ang teksto ng tula at ang publiko (tagapakinig o mambabasa) nito upang matukoy at madama ang bisa ng talinghaga at mahugisan ang kariktan ng tula. Mangyari’y pangunahing salik ang historisidad—ang panahon pook at oras ng pagdinig o pagbasa sa teksto—sa pagpapahalaga sa ganap na kariktan ng tula. Ang mga salita sa loob ng tula ay mga partikular na senyas na tumutukoy sa mga partikular na talinghaga at pahiwatig—i.e. estruktura ng pakiramdam, parikala, satira, atbp—na maaaring hindi na mabasa nang wasto ng publiko sa darating na panahon. Mahalaga kung gayon ang temporal na konteksto ng pahayag ng tula. Maaaring mabalikan pa rin ang terminong milieu ni Taine sa pagkakataong ito. Hindi naman sa hindi mawawatasan ang lahat ng saray ng kahulugan ng tula sa publiko sa hinaharap ngunit ang mayaman at kabuuang konotasyon ng teksto—lalo na ang pahiwatig at talinghaga—ay hindi na maaasahang makararating sa kanila, maliban na lamang sa pamamagitan ng mahabang komentaryo o anotasyon na siyempre’y hindi na ang kaaya-ayang lagay ng ugnayan ng teksto at publiko.
Anumang mensahe o “insight” na taglay ng tula ay nakasalalay sa midyum ng wika. Malawak at malalim ang impluwensiya ni Ferdinand de Saussure sa pagteteorya ng mekanismo ng ugnayan ng wika at realidad.[2] Rebolusyonaryo sa larangan ng lingguwistika ang pagsasabi niyang kumbensiyon lamang ang ugnayan ng salita at ng bagay na tinutukoy nito; na sa katotohanan, walang ugnayan ang dalawang ito; arbitraryo ang ugnayan ng senyas (signifier) ng salita at ang tinutukoy (signified) nitong obheto. Humantong ang prinsipyong ito sa lapit na estruktural sa larangan ng antropolohiya, literatura, araling pansine, at aralin sa kulturang popular. Pinuna ng Marxistang si Raymond Williams ang mabuway na kabuluhan ng prinsipyong Saussureano sa aktuwal at isinasabuhay (lived) na karanasan ng tao. Sa pagwawasto ng abstraktong pagtuturing sa wika, sinabi ni Williams:
First, that history, in its most specific, active, and connecting senses, has
disappeared (in one tendency has been theoretically excluded) from this account of so central activity as language; and second, that the categories in which this version of system has been developed are the familiar bourgeois categories in which an abstract separation and distinction between the ‘individual’ and the ‘social’ have become so habitual that they are taken as ‘natural’ starting points.[3]
Sa madaling sabi, ibinabalik ni Williams ang bisa at halaga ng wika sa aktuwal na buhay ng tao. Na hindi ito isang abstraksiyon at maihihiwalay na instrumento sa mga buhay na tradisyon ng mga komunidad. Reapirmasyon ito ng pananalig sa wika bilang repositoryo ng tradisyon at kaalaman ng komunidad o maging ng nasyon upang maipagpatuloy ang mga kasanayan at kaalamang pangkultura at panlipunan ng mga mamamayan nito.
Kung gayon, reapirmasyon din ito sa papel ng manunulat para aktibong gamitin ang mga pangkulturang gawi ng kaniyang lipunan lalo na ang nakabatay sa wika. Kaya nga ba sa simula pa lamang ay malaki na ang inaasahan sa autor sa pagdidisenyo sa pampanitikang akda. Pumapasok na rito ang lawak ng kaniyang kaalaman sa tradisyong pampanulaan, karanasan sa mga kasanayang pangkultura ng kaniyang komunidad, at malay na paglahok sa layunin ng panlipunang pagbabago. Ang lahat ng ito’y magbibigay ng direksiyon sa kahulugan ng kaniyang tula. Maituturing na tagapangunang uri ng mambabasa ang autor. Sa katunayan, siya ang kauna-unahang mambabasa ng tulang kaniyang lilikhain. Inaasahang mayroong siyang malalim na sensitibidad sa kung ano ang makaaantig sa kaniyang publiko. Bilang modelong mambabasa ng kaniyang akda, inaasahan na bukas ang kamalayan niya sa kaniyang panahon at nadarama niya ang pangangailangan at pintig ng hangarin ng kaniyang komunidad. Masalimuot na proseso ang pag-unawa sa isang tula. Ang talastas na nagmumula sa tula ay inaasahang maluwat na makarating sa mambabasa sa pamamagitan ng wika.
Ang dalumat ng kariktan ay mababanaag sa dinamikong pag-unawa ng mambabasa ng tula. Mahigpit na kaugnay ang kariktan ng talinghagang inihaya sa tula. Sa proseso ng paggagap sa misteryo ng talinghaga, nakadarama ng kariktan ang tagapakinig. May nauna nang gawaing nailatag ang manunulat kaugnay ng proseso ng paggagap na ito. Ibig sabihin, nadama na ng manunulat ang mauunawaan at madarama pa lamang ng publiko o tagapakinig/mambabasa. Ibig sabihin rin, magkatulad ng ontolohikong kalagayan o saysay ng kanilang buhay sa oras paglikha at sa oras ng pagbasa sa tula dulot ng iisang historikong konteksto. Ang pagkakita at pagkadama sa liwanag ng pagkaunawa (insight) sanhi ng proseso ng pagbasa sa tula ay lumilikha ng sensasyon ng kariktan. Sa matalim na pag-arok ng tula sa aspekto ng buhay na dinadanas ng mambabasa at pagbibigay sa kaniya ng lalong pag-unawa kaugnay nito, may liwanag (rikit o dikit) na lumilitaw sa kaniyang kamalayan. Sa pinakamunting pakinabang mula sa tula, maaaring luminaw ang isang kaalaman o persepsiyong dating alam na ng mambabasa ngunit ang paraan ng pagkakapahayag (prosodiya) ay nagbigay dito ng bagong dimensiyong sukat lumikha ng hugis ng kariktan sa kaniyang kamalayan. Sa pinakamabisang antas, ang liwanag na ito ay maaaring magpasigla o bumago sa kaniyang paraan ng pamumuhay o pananaw-sa-daigdig.
Sa Pusod ng Lipunan at Kamalayan ng Makata at ng Kaniyang Publiko
Maaaring masuri ang mga tulang sumusunod upang magsilbing halimbawa sa mga naipahayag na proseso ng pagbibigay katuturan sa tula sa konteksto ng ugnayan ng autor, lipunan, at publiko. Piniling mga tula ang mga magkahidwang aporismong isinulat ni Jose F. Lacaba at ng pangkulturang rehimeng Marcos. Ito ang mga napili upang mabigyang-liwanag ang mga ipinahayag na ugnayan ng manunulat, teksto, at lipunan.. Ipinagpapalagay na magkainterteksto ang dalawang tula sapagkat magkahidwa at tila nagdedebate at ang ikalawa’y nagsisilbing tinig ng protesta sa malaganap na pamamarali ng rehimen; higit na magpapalinaw sa panukalang bisa ng kariktan ang kontrastibong pagsusuri sa mga tekstong ito.
Kaunting bato
Kaunting semento
Monumento.
Sa ikauunlad ng bayan
Disiplina ang kailangan.
Kapuwa sumusunod sa tradisyon ng tulang may tugma at sukat ang dalawang teksto. Iregular ang sukat ng kay Lacaba (5-6-4) samantalang regular na siyam (9-9) ang taludturan ng aporismo ng estado. Kapwa karaniwan ang tugmaan ng dalawang tula. Sa usapin ng sukat, may kagyat na “pagrerebelde” ang tula ni Lacaba. Kumbaga, hindi ito sumusunod sa disiplinang ipinapataw ng estado sa larangan ng kultura. Isang trabestiyang maituturing ang hindi pagiging disiplinado ng sining ng pagtutugma sa ipinapataw na kaayusan ng lipunang kontrolado ng rehimen. Tandaan ang naging resulta ng ‘literal’ na panghaharot na ginawa ni Ariel Ureta sa tula ng estado. Nang palitan niya ng ‘bisikleta’ ang ‘disiplina,’ diumano’y ipinatawag siya sa Camp Crame at pinagbisikleta maghapon sa oval ng mga sundalo. Ayaw ng diktadura na niloloko ang seryosong proyekto nitong Bagong Lipunan. Higit pa sa makalawit-dilang parusa ang magagawa nito sa sinumang sumalungat sa ‘isang bansa, isang diwa” na mantra nito. Mayroong katwirang ipinahayag ang rehimen kaugnay ng “disiplina:”
“Discipline” suggests a “disciplinarian,” and is usually thought of in
connection with martial life: marching in line and instant obedience to
command. In many respects this discipline governs a “command society”
under martial-law conditions. Obviously we cannot make this permanent
institution in our national life. The great majority of mankind need not be
disciplined in this manner in order to live peaceably and responsibly in
society, although there might have been periods in human history when
this kind of imposition was a matter of necessity.[4]
Tila nagbibigay ng pasubali ang diktadura na pansamantala lamang ang militaristang paraan ng pamamahala nito; na ang panahon ng paghihigpit ay dulot lamang ng pagsugpo sa panganib ng kilusang makakaliwa, sesesyonistang Muslim sa timog, at iba pang katulad na pinasidhing banta (produkto ng tusong propaganda) sa kaligtasan ng republika. Ang makinarya pampropaganda ng Bagong Lipunan ay umaakda ng mga patalastas upang pagtakpan ang buod ng karahasan siyang batayang pilosopiya nito. Sa maraming pangkulturang teksto ng Bagong Lipunan, ang bisyon ng “kaunlaran” ay laging nakabatay sa pagtataguyod ng indispensableng “disiplina.” Maririnig ito sa temang awit ng diktadura—“Nagbabago ang lahat, tungo sa pag-unlad,”—at sa mga promosyong pangmidya—“Ang pulong-pulong sa kaunlaran”—na umuukilkil sa pandinig ng mamamayan. Walang pasubali, marami ang naengganyo sa mahika ng mga salitang ito—sa kabila ng mga pag-aalinlangan—lalo sa mga unang taon ng rehimen. Dahil sa aktuwal at imanenteng panganib sa pagsalungat sa diktadura, naging malikhain ang mga autor sa pakiki-ugnay nila sa kanilang publiko. Dito makikita ang operasyon ng tinatawag ni Dr. Bienvenido Lumbera na ‘sirkunbensiyon’ ng sining sa mahigpit na restriksiyon ng rehimen.[5] Sa katotohanan, ganap na subersiyon ng lahat ng ideal ng pasistang estado ang isinasagawa ng tula. Ang rehimeng Marcos ang unang hindi sumunod sa aporismong nilikha nito. Makasarili ang pagpapakahulugan nito sa dalumat ng kaunlaran at disiplina. Simpleng pagsunod sa interes ng diktadura ang nilalaman ng kaunlaran at disiplinang ipinangangalandakan nito sa mga tekstong pampropaganda nito na kumakasangkapan sa mga elementong pantula.
Sa kabilang panig, ang pagtuturing ng tula ni Lacaba sa dalumat ng disiplina at kaunlaran ay historiko, demokratiko, at humanistiko. Paano ito nagiging operatibo sa tula? Sa pagpapatuloy ng rehimen sa dekada sitenta, naging obsesyon ng rehimen ang balorisasyon ng sarili. Nagpapakomisyon si Imelda Marcos sa mga bantog na pintor ng mga pintang nagtatanghal sa kaniya bilang diyosa; may mga makatang sumulat ng epiko at mga tula sa kaniyang ikariringal[6] habang ang diktador ay ipinapakita bilang magiting na bayani ng digmaan; isang lalaking matipuno at hindi umuurong sa panganib at sa labanan, sapagka’t nalampasan na ang lahat ng panganib na dapat suungin ng marapat na punong bayan. Ang mitikong larawan nina Maganda at Malakas ay triyunfal na isinailalim sa proseso ng apropriyasyon ng diktadurang conyugal; na bahagi lamang ng sistematikong apropriyasyon ng lahat ng yaman ng bansa—mulang yamang-likas, pinansiyal, at hanggang kultural. Sa larangan ng arkitektura, ang pagtatayo ng magagarang gusali at iba pang edipisyo ay naging tatak ng rehimen sa pagpapahayag ng mga grandiosong bisyon nito.[7] Ang ekspresyon ng mga abstraktong ideal ng kadakilaan ay hinihimok na malikha sa materyalidad ng mga larawang monumental, at sa bato-at-sementong monumento na makikipagpatagalan sa mga lahi at panahon. At kamalas-malasan ang sinumang sumalungat sa megalomanyang conyugal. Hawak nila ang kapangyarihan upang anumang oras ay maipadakip ang nangahas na lumaban sa kanilang diktadura. Kaya nga sa punto ng naisasakatuparang pagpuna sa kaayusang mahigpit na pinaghaharian ng kanilang gahum, isang butil lamang ng buhangin ang tula ni Lacaba. Balewala kung titingnan sa tomo-tomo at walang tigil na produksiyon ng mga dekreto at batas na nalilimbag sa pampropagandang makinarya ng estado at kumokontrol sa bawat kibot at daloy ng pambansang buhay. Ngunit ang tula ay sambitlang umaalingawangaw sa mga dakong hindi maaamoy ng mga aso ng sensura at hindi madadaliri ng mga kamay ng intelehensiyang Marcos—sa kamalayan ng makata at ng kaniyang publiko.
Sadyang pinahahalagahan sa lipunang Filipino ang pagpapanatili sa alaala ng mga bayani. At pangunahing paraan ng ekspresyon ng paggunitang memoryal na ito ang pagtatayo ng monumento. Simbolo ang monumento ng kadakilaang nakamit ng mga katulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio. Walang pag-iimbot na inialay ng mga bayaning ito ang buhay sa dakilang layuning makamtan ng bayan ang mithing kalayaan. Naluklok sila sa paghanga ng sambayanan sapagkat kinatawan nila ang matayog na pagmamalaki para maitaguyod ang kasarinlan. Katangi-tangi at pambihirang tao ang nabibigyan ng ganitong pagkilala. Nararapat silang ipagpatayo ng “bantay na matayog” o ng bantayog, sa karaniwang salita, ng monumento. Walang bahid-dungis ang karapat-dapat na taong magagawaran ng katawagang bayani. At kusang loob na sa mga sektor ng bayan ang pagpapagawa ng mga monumentong kasudlong ng pagkilala bilang bayani. Kailanman, hindi nangyayari na ang ginagawaran ang nagtataguyod ng monumento para sa ikariringal ng sarili. Tinalimuwang ng mga Marcos ang ganitong matayog na representasyon ng pagiging bayani at dakila. Ang mga tunay na bayani lamang ang pinagtatayuan ng monumento. Ngunit sa kaso ng mga Marcos, sila mismo ang nagpapasimuno sa pagdingal sa kanilang inimbentong kadakilaan. Kung kaya ang pahayag ng tula na ‘kaunting bato’ at ‘kaunting semento’ lamang ang kailangan—sa halip na kadakilaan ng pagkatao sa historikong konteksto—para sa pagkakaroon ng monumento ay isang mariing pukol at dagok sa proyektong diktaturyal. Pinapawalang halaga nito ang lahat ng pag-aangat at pagsisikap ng mga Marcos upang maihatid ang mga sarili sa luklukan ng eternal na pagkilala.
At ang lahat ng pagtuligsang ito—kataka-taka man sa pagtuturing—ay naisagawa ng tula nang hindi kumalabit ng isa mang gatilyo, o nagtaas ng kamao at nagpakawala ng matinis na sigaw-protesta sa gitna ng demostrasyon sa kalye, bagamat kung minsa’y binabasa ng autor sa mga rali ang napakaikling tulang ito, kasabay kung minsan ng mas popular na “Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan de la Cruz.” Ipinahiwatig lamang ito sa tatlong linya ng tula. Nangyari ang lahat ng pagbaklas sa kapalaluan ng rehimen una sa loob ng kamalayan ng makata, at ikalawa sa kamalayan ng perseptibong mambabasa. Maaaring hindi kasing detalyado ng paghimay na ginawa sa papel na ito ngunit ipinapalagay na sapat-sapat ang pahiwatig ng tatlong taludtod ng tula upang magising ang pakiramdam ng mambabasa at maibunsod siya sa gayong pagbasa. Mawawari na sa panahong nalimbag ang tula[8] ay nasa kasagsagan ang pagkakapataw ng Batas Militar sa buong bansa at bantad na bantad ang katiwalian at pagmamalabis ng rehimen. At hindi kailangan ang masinsinang pagsipat para magliwanag sa kamalayan ng mambabasa ang buong pahiwatig ng tula. Ito na nga ang tinutukoy na ontolohikong katiningan ng ugnayan ng autor, teksto, mambabasa, at kalagayang sosyo-historiko. Lalong titingkad ang mahigpit na ugnayang ito kapag halimbawa’y pinalitan ang temporal na konteksto ng tula patungo sa kasalukuyan. Mawawala ang buong kabuluhan ng tula. Mawawala ang talim ng tuligsa. Sa madaling sabi, mababawasan kung hindi man tuluyang mawawala ang pahiwatig at talinghaga o ang kariktan ng tula. Maaaring masadlak ang tula tungo sa pagiging simpleng rimang pambata at hindi na mapagtuturingan ng masalimuot na lambat ng poetikong protesta laban sa di-makataong sistema ng rehimen.
Pagsipat sa Kontemporanyong Teksto sa Masmidya
Ang katulad na pagsusuri ay mailalapat din sa malatulang kopya na ginagamit sa mga patalastas sa telebisyon. Matalisik nang sinuri ang teksto sa media at kulturang popular upang mapatunayan na wala itong ipinagkaiba sa tekstong pampanitikan. Nakasalalay sa metodo ng pagbasa at pagsusuri ang paglalantad ng mga tila hindi sinasadyang pananaw-sa-daigdig, mga bias, pag-eesteryotipo, relasyong panlipunan, at iba pang ideolohikong paksa na nakatupi sa loob ng teksto. Halimbawang pag-aaral ang isinagawa ni John Berger sa kaniyang Ways of Seeing (1972) na nagpakita kung paanong ang mga tila inosenteng patalastas ay nagdadala ng mga modalidad ng kapangyarihan ng lalaki at opresyon ng kababaihan. Ipinakita rin ni Roland Barthes sa Mythologies na hindi lamang ang verbal na ekspresyon ang nagdadala ng mga kahulugan kundi lalo na ang biswal at pangdisenyong elemento. Sa lokal na mga kritiko, ipinakita ni Roland B. Tolentino kung paanong ang komersiyo at pagpapakete sa mga artista ay mayroong mahigpit na relasyon tungo sa pakikinabang sa semiotikong yaman ng postura, aksesorya, at disenyo para engganyuhin ang mamimili at tagahanga na pahalagahan ang kasalukuyan ayon sa interes ng kapital at globalisasyon.
Sa ganitong pagdulog sa araling pangkultura, mapapatunayang kumikilos ang makinarya ng kapital para pakinabangan ang mga pangkalinangang gawi sa paghikayat sa mga mamimili—ang mga makabagong mambabasa—na pansinin, damahin, at hanggang sa bilhin at gamitin ang kanilang produkto. Sa layuning ito, ginagawa ng komersiyanteng interes ang mga angkop na pamamaraan upang bighaniin ang audience sa kariktan ng kopya nasasaksihan nito sa midyum ng telebisyon. May bentaha ang telebisyon sapagkat nag-aalay ito ng simulakrum ng realidad. Sang-ayon nga sa mga postmodernistang kritiko, hinahalinhan na ng teknolohikong midyum ang mismong realidad. Nakakatulad ng aktuwalidad ang palabas sa telebisyon sapagkat makikita sa rabaw ng iskrin ang mga imahen, maririnig sa stereo speaker ang totoong tunog, bukod pa sa mababasa sa tila-pahinang kuwadrado ng iskrin ang mga tekstong nakahimpil o madalas na gumagalaw rin. Buhay na buhay ang lahat. Nakatutulad din ito ng bisyong makikita lamang sa panaginip sapagkat mahiko ang pagpapalit-palit ng mga imahen. Putol-putol, walang kontrol ang may panaginip, nagpapahayag ng mga kubling pagnanasa at lumilikha ng larawang panghinaharap ng mamimili/mambabasa.
Itinuturing ang patalastas bilang ‘panulaan ng kapitalismo.’ Batay sa pahayag na ito, layunin ng papel na pagtuunan ng pansin ang ad copy ng isang kilalang sofdrinks—ang Pop Cola—at kung paano nito aktibong ginamit ang tradisyong pantula ng mga Filipino para maisagawa ang komersiyal na agenda nito.[9] Manaka-nakang naitatampok ang tradisyonal na pagtula sa mga komersiyal na Filipino upang maipakita ang emblematikong representasyon ng kulturang Filipino at ang madalas na pag-uugnay nito sa isang idealistikong nakaraan o katutubong henyo. Mababanggit na halimbawa ang pagbabalagtasan ng mga batang bibo at pagtatampok sa pagtula bilang pagtataglay ng natatanging talento. Sa ganitong pananaw, napapanatili ang representasyon ng panulaan bilang isa sa mga anyo ng sining na bagama’t hindi na isang buhay na tradisyon sa piling ng mga komunidad—lalo na sa mga nasa pook na urban at mga pangunahing siyudad—ay nagpapatuloy ang espesyal na pagtuturing ng modernong konsiyumer.
Hindi man binubuhay ang buong praktis ng patulang pagpapahayag sa modernong pang-masmidyang komunikasyon, pero may mga mumunting bakas pa ng poetikong praktis ang nanatili at mabisa pa rin itong nagagamit sa pinakakaraniwang anyo ng komunikasyon sa telebisyon—ang patalastas. Ilan sa pinakamabibisang copy na matutunghayan sa telebisyon ay gumagamit sa tradisyon ng tugma at sukat. Ang soundbyte na nagtataglay ng tugma ay madaling matandaan. Mas maikli, mas mainam. Hindi ito kumokonsumo ng mataas na persentahe ng mahal na produksiyon gayundin sa mas mahal na singil ng airtime ngunit nagagawa nito ang napakahalagang papel—ang makapag-iwan ng malakas na recall. Ang buong trajektori ng patalastas ay nasusuma sa tila kasabihang paglalagom.
Sa copy ng Pop Cola, ipinakita sa paspasang visuals ang kuwento ng isang apo na tinutuksong “siyete” sa eskuwelahan dahil siyete pesos kung magbenta ng sais-pesos na Pop Cola ang kaniyang lola (ginagampanan ni Luz Valdez). Lilitaw naman si Robin Padilla upang tuksuhin ang lola at ito ang magbubunsod upang magbenta ng produkto sa tamang presyo. At malinis na mabubuod ang patalastas sa tila salawikaing pahayag:
Ang tamang magsukli, maraming ang suki.
Makikitang nakalimbag ito sa masining na sulat kamay sa kanang itaas ng frame at matigas bagama’t masisteng idiriin ito ng boses ni Padilla. Operatibo pa rin sa poetikong tekstong ito ang pagsisikap na maipahayag ang poetikong kariktan sa pamamagitan ng pahiwatig at talinghaga. At nakadaragdag o mas mainam na sabihing naisisilid ang bisa ng agenda ng teksto dahil ginamit ang katutubong elemento ng tugma at sukat (bagama’t iregular, i.e. 6-5). Gayong hyperreal ang presentasyon, o bumuo ng ang presentasyong biswal ng realidad sa mas midya na di-aktuwal na dinarana ng publiko (pero puwede naman itong danasin sa aktuwal na buhay), dumudukal ang ad copy ng bisa mula sa pangkulturang praktis ng mga Filipino. Ang pagpapakahulugan sa loob ng teksto ay nagsasakatawan sa mga terminong sininop ni Melba Maggay sa kaniyang librong Pahiwatig, tulad ng “siste,” “biro” at “pasaring” na operatibo sa pakikipagkapuwa ng mga Filipino sa isa’t isa. Sa ad copy, hindi tuwirang pinuna ang pandaraya o panggugulang ng lolang may-ari ng tindahang sarisari. Sa halip, tinukso ang kaniyang apo na nagdamdam at saka nagsumbong sa lola; at saka lamang natauhan ang huli sa kaniyang di-wastong asal sa pangangalakal. Nang iwasto ng lola ang presyo ng produktong Pop Cola, nagbalik ang maayso na pakikisama ng mga kaibigan at kaklase sa apo. Bukod pa rito’y ipinagdiinan ang pagdami ng kaniya suki. Sa madaling sabi, reapirmasyon ang naratibo ng ad copy ng halagahang itinuturing na pangunahin sa alinmang komunidad na Filipino—ang katarungan. Alam nating ang katarungan ay binibigyang kahulugan bilang “pagbibigay o pagtatamasa sa nararapat.” Sumira ang lola sa makatarungang pakikipagkapuwa nang taasan niya ng piso ang presyo ng isa sa kaniyang mga paninda. At sa pagkakasalang ito, ang isang bahagi ng kaniyang pamilya o bahagi ng kaniyang sarili—ang apo—sa bisa ng ekstensiyong pang-angkan ay inetsapuwera ng kaniyang mga kaibigan. Pansamantalang nasa labas ng espasyo ng komunidad ang maglola dahil sa piso kada boteng pagsasamantala sa kapuwa. Ang etikal na konsiderasyon sa pakikipagkapuwa ang tinutumbok ng tila salawikaing teksto ng ad copy. Ang paggawa ng mabuti ay nagbubunga ng maunlad na negosyo. Hindi kailangang manlamang ng kapuwa dahil ang pagiging makatarungan ay higit na magbubukas ng pagkakataon sa pagdami ng suki. Ang relasyong “suki” ay sumasakop sa espesyal na relasyong nabuo batay sa pagtitiwala at subok nang ugnayan ng negosyante at konsiyumer. Sa katotohanan, nawawala ang impersonal na pagbubukod ng dalawang panig at lalong napahahalagahan ang pagkakaibigan at pakikipagkapuwa. Ang magsuki ay maaari nang magkumustahan at magbidahan. Kapalit nito ang kaunting pagluluwag sa presyo ang pag-unawang sa kaniya laging bibili ang konsiyumer kahit may iba pang puwedeng mapagbilhan ng mga produktong hanap ng huli. Mabubuo ang relasyong komersiyal batay sa pagtitiwala at katapatan. Sa madaling sabi, ang ad copy ng Pop Cola ay hindi lamang “tila” kundi sadyang isang modernong salawikain. Gayong wala na ang matayog na talinghaga at komplikadong imahen sa karamihan sa mga naunang salawikain (halimbawa ang mga mababasa sa Vocabulario nina Noceda at Sanlucar)[10], nahahalinhan na ang mga tradisyonal na elemento ng mga katangiang hyperreal, o ng biswal na pagbobrodkast ng sistemang kapitalista na nagprodyus sa produktong itong kinokonsumo ng modernong publiko sa pamamagitan ng panonood. Sa madaling sabi, ang tekstong verbal ng tradisyonal na tula ay pinungos at kinomplemetaryuhan o halos takpan ng teknolohikong mahika ng ad copy. Pero sa pagpungos o pagtakip na ito mismo nakapagpapatuloy ang mga poetikong teksto. Sinasambot ang lumang tradisyon sa tula at inilalangkap sa “tula ng kapitalismo” o ang mismong ad copy. Nananatili ang didaktikong impulso sa mga napiling teksto (o pinili dahil natukoy ang didaktikong impulso nito).
Kung paghahambingin ang trajektori ng ad copy at ang trajektori ng mga tula ni Lacaba sa panahon ng rehimeng Marcos, matutukoy ang magkatulad na batayang etikal/moral ng mga tekstong ito. Ang pagpuna sa mga naghahawak ng kapangyarihan— ang rehimen at ang lola—ang kinikilingan ng pakahulugan ng mga teksto (ang buong presentasyon sa kaso ng ad copy). Habang ang rehimeng Marcos ay hindi inaasahang magbago dahil lamang sa munting buhangin ng tula ni Lacaba, ang presentasyon ng ad copy ay nagtanghal ng tekstong nagresolba at nagwasto sa seryosong pagkaligaw ng landas ng lola. Itinatanghal sa dalawang poetikong teksto ang paggabay sa publiko tungo sa paghugis o pagkilala sa kung ano ang “mabuti” at kung ano ang “makatarungan;” na ang prosesong ito ay mahalagang bahagi ng pagdanas sa estetikong kaluguran. Mahalagang elemento rin ang pagpapahayag ng etikal na nilalaman sa anyong tradisyonal, hindi lamang sa mnemonikong bisa nito, kung hindi dahil sa akmang paghuli ng tugma’t sukat sa mensaheng nais ipahayag ng autor sa kaniyang publiko.
Maaaring tingnan pa natin ang isang halimbawa ng poetikong teksto sa ad copy upang masuri ang ibang aspektong poetiko na may mahalagang papel sa pagtukoy sa estetika ng literaturang Filipino at kaugnay na pagdanas sa kalugurang estetiko. Napiling teskto ang print ad ng Blue Bay Tuna.[11] (Tingnan ang Appendix A). Sa ibabang kanang sulok ng ad copy, mababasa ang tulang siyang agenda ng teksto. Sumusunod ang ad copy sa trend sa marketing na nagbibigay ng espesyal na pag-aasikaso sa mga konsiyumer. Pinagtutuunan ang kapakanan ng mamimili hindi ang pagbi-build up sa produkto. Makikita ito sa pagtatanghal sa imahen ng “ina” bilang bida ng ad copy gayundin ang “anak” na sa kasong ito’y siyang tagapagbigay ng pangangalaga bilang pagtanaw ng utang ng loob sa kaniyang ina. Ang poetikong teksto ay nakalimbag nang ganito:
Alay Kay Inay,
Blue Bay Tuna.
Laging May Sarap
Dahil Abot-Kaya.
Na mababago ang presentasyon para mapalitaw ang tugma at sukat:
Alay kay Inay, Blue Bay Tuna.
Laging may sarap, dahil abot-kaya.
Ang poetikong anyo ay nagsisilbing ekspresyon ng maselan at matayog na pag-ibig sa ina. Sa ad copy, tulad ng pantelebisyong ad copy ng Pop Cola, pambuod lamang ang poetikong teksto, at lalong nangingibabaw ang biswal na elemento. Para lamang itong talababa. (Pero kung minsan ay nakapang-aagaw ng eksena ang talababa.) Gayunman, nagagawa pa rin nito ang pagtatanghal ng espesyal na gamit ng wika na isa sa mga katangian ng pagkatula ng tula. Masisipat nang masinsinan ang ad copy—larawan, teksto—upang mapalitaw ang naratibo at mga nalilikha nitong signipikasyon. Ang personang anak ang tagapagsalaysay ng kaniyang kuwento ng pagkamulat o edukasyon sa tulong ng kaniyang “paboritong teacher.” Ang pangunahing teksto na makikita sa kanang bahagi ng ad copy ay kapansin-pansing nagsisimula sa estilong script, pahiwatig na sa sulat kamay ibig isulat ng persona ang kaniyang mensahe para sa kaniyang ina. Pero dahil ipinapaubaya niya sa aparatong pang-advertisement ang kaniyang greeting card, hinayaan niyang maipagpatuloy ito sa teknikal na tipo. Idinidiin lamang ng mga ganitong detalye ang likas na artipisyalidad ng ad copy; na isa lamang itong harap-harapang pangmamalikmata, para mahikayat na bumili ng produkto ang konsiyumer. Umaapela sa kaniyang damdamin ng pagmamahal para sa ina. Ipinapakita ng persona ang kaniyang pribadong retrato/greeting card na nagtatampok sa kaniya at sa kaniyang ina at dahil dito’y napupuno siya ng nostalhiya. Hindi mapait ang kaniyang nostalhiya kundi may aktibong aksiyon para magantihan ang dahilan ng kaniyang tagumpay. Nakapagtapos ng kolehiyo ang tagapagsalaysay. Dapat na ito ang antas na natapos niya sa simpleng katwirang makapagsisimula na siyang magtrabaho at magkaroon ng kakayahang bilhin ang produktong kaniya ring ineendoso. Ang nakapagtapos ng kolehiyo ang segment market ng Blue Bay Tuna at maisasama na rin ang mga nakapagtapos sa mga nakaraang taon. Malinaw na upper middle class at pataas ang market ng produkto. Ang pagpili ng mga modelong mestisa (na hinihinuhang bumubuo sa malaking bahagi ng segment na ito, kundi ma’y kaa-identifayan ng segment na ito) ang pangunahing indikasyon nito. Taglay ng mag-ina ang ideal na representasyon ng kariktan para sa segment na ito—perpektong kalusugan at pisikal na kagandahan (perlas na ngipin, makinis na balat, malarosas na labi, malambot na buhok, malinis na mga daliri, atbp.). Kung kakalkulahin ang aktuwal na edad ng retrato pabalik mula 2005, (ibawas ang 14 taon ng pag-aaral sa elementarya, hay-iskul, at kolehiyo) papatak ito noong 1990. Pero walang palatandaan sa panahong ito kinuha ang retrato. Neutral ang background ng retrato. Off-white ang kulay na kulay rin ng damit ng persona at ng kaniyang ina. Ito rin ang kulay ng papel ng diyaryo. Hinahanggahan ang retrato ng manipis na linyang bumubuo ng kuwadro o frame nito. Para tuloy lumutang mula sa kaibuturan ng blangko o puting nakaraan ang hulagway na nasisinagan sa ad copy ng liwanag ng kasalukuyan. Kung titinangnang mabuti, tinitiyak ng anino ng de-latang Blue Bay Tuna at anino ng hita ng ina na mula sa liwanag ng silid na kinalalagyan ng tumitingin nanggagaling ang liwanag ng kasalukuyan. Maaari pa ngang mula ito sa linya ng bisyon ng tumitingin. (Sa puntong ito’y walang pasubaling ang persona ng tagapagsalaysay at ng tumitingin ay nagkakaroon ng pagsasapian. Isang kaso ito ng kompletong identipikasyon, ang paglalaho ng espesipikong suhetibidad na isang katangian ng postmodernong kondisyon). Siyempre, ang mahikang ito’y tulak ng commercial impulse ng kapitalistang agenda na sumasamantala sa instrumento ng prosodiya at potograpiya para mahikayat ang market na bilhin ang produkto. Ang mga artistang lumikha ng teksto at larawan at “pinatay” ng kapitalistang sistema. Tumatayong autor ang Blue Bay Tuna mismo.
Susuriin pa ang isang ad copy ng isa pang produkto: ang YSA Botanica Face and Body Whitening Lotion.[12] (Tingnan ang Appendix B.) Sa pagkakataong ito’y sisipatin ang ad copy bilang tekstong hindi matagumpay na gumamit ng tugma at sukat sa potensiyal na poetikong copy nito. Itinatampok ng ad copy na black and white ang larawan ng magandang dalaga na tampulan ng paghanga ng mga taong nakapaligid sa kaniya, mapababae man o lalaki. Nasa itaas niya ang tekstong BUKOD KANG PINAGPALA. Dahil pamilyar na teksto ito, bahagi ng Katolikong dasal na “Aba ginoong Maria,” maiisip agad ang kasugnay na mga salita: SA BABAENG LAHAT. Agad na makukuha ng publiko ang agenda ng produkto. Ipinamamarali nitong magiging kasimputi ng Birheng Maria ang konsiyumer ng YSA Botanica. Sinususugan ng tagpuan at ng nagliliwanag na anyo ng modelo ang pahiwatig na ito. Nasa akto ng pagbaba sa hagdan ang babae at ipinahihiwatig na nagmula siya sa langit. Isang uri ng sugo na nanghihikayat sa mga babaeng kayumanggi ang kulay ng balat na bumili ng produkto na makapagpapaputi sa kanila sa loob ng pitong araw. Nag-aalusyon/ilusyon pa ito sa pitong araw na paglikha ng Diyos sa sandaigdigan. Maging ang posisyon ng kamay at tindig ng babae ay paggagad sa ikono ng Birheng Maria. Naiiba na lamang ang dalaga sa kasuotang tila makapal na kamison. Parang ipinagmamalaki niya ang natamong grasya ng katawan—ang pagputi dulot ng pagpahid sa balat ng losyong YSA Botanica. Sa ibaba ng pangunahing copy, matutunghayan ito:
Papuri ang nag-uumapaw sa kanilang mga labi. Dahil sa kaputiang dulot ng YSA.
Maisasaayos ito upang maging:
Papuri ang nag-uumapaw sa kanilang mga labi. Dahil sa kaputiang dulot ng YSA.
Puwede naman itong maituring na poetikong teksto pero higit pang mapaparikit kung sinubukan ng copywriter na bumuo ng dalawang linyang kahit hindi perpekto sa sukat ay mayroon naman sanang tugmaan. Mukhang napikot ang writer sa titik na a [ey], ang pamosong diptonggong sa “A is for epol.” Walang diptonggong “ey” sa Filipino lalo pa at pandulong tugma ito. Malumi ang “labi” sa dulo ng unang pangungusap, ibig sabihin ay may ekstrang ponema sa dulo o impit na tunog. Sadyang hindi bagay sa bukas na “y.”Kung makukumbinsi ang YSA, mungkahing irebisa ang poetikong teksto nito para maging:
Nagniningning ang papuri sa kanilang mga mata.
Dahil sa kaputiang dulot ng YSA Botanica.
Maaaring hindi rin ito perpektong copy pero sa palagay ko, magiging higit na mabisa kaysa sa dati.
Mabisang Pahiwatig at Talinghaga at Kabutihan Bilang Susi sa Estetika ng Poetikong Teksto sa Filipino
Sa ginawang pagtalakay, nagsalimbayan ang ugnayan ng produksiyon ng poetikong teksto, publiko, autor, panlipunan konteksto, at historisidad bilang mga salik sa pagdanas at paghugis sa estetikong kaluguran na maaaring susi sa pagbuo ng estetika ng literaturang Filipino. Batayang kahingian ang paraan ng pagkakasulat ng poetikong teksto. Marikit ang tekstong kapag mabisa ang prosodiya, ritmo, imahen, at kahulugang konotatibo; gayundin kapag ito’y gumamit ng tugma at sukat (tradisyonal na poetika) na angkop sa nilalaman at semantikong larang ng mensahe. Dahil nagsisimula sa teksto ang karanasang estetiko, maaaring iugnay dito ang ilang hakang pang-estetika. Binubuo ng mga salita ang teksto na mapagbubukalan ng malawak na kahulugan. Mga senyas (signifier) ito na tumutukoy sa mas malawak na pantaong realidad. Naisisilang ang kaganapan ng tula sa oras ng pagbasa ng publiko sa tekstong inakda ng isang autor. At higit na mauunawaan ang kahulugan ng teksto kung magkatulad ang kalagayang historiko ng autor at publiko sa payak na dahilang malamang kaysa hindi ay magkatulad ang kanilang pananaw-sa-daigdig at balangkas ng pagdama. May historisidad ang teksto na hindi maiwawaksi sa pagtukoy sa estetika o pagdanas ng kalugurang estetiko nito. At bumubukal ang dinamikang ito sa pagbabasa sa teksto. Maaaring marikit ang retorika at prosodiya ng teksto at dito pa lamang ay mayroong nang estetikong danas na matutukoy. Ang teksto per se bilang lingguwistikong penomenon kahit hindi pa iniuugnay sa kontekstong panlipunan ay lumilikha na ng kasalimuotang semantiko. Nasa loob lamang ng teksto ang daigdig. Pero kapag isinaalang-alang pa ang aktuwalidad at historisidad na lumiligid sa teksto, autor, at publiko, higit pang lumilitaw ang mas mahahalagang kabuluhang estetiko na mahigpit na kaugnay ng etikal at kung gayo’y panlipunang kabuluhan. Ang poetikong tekstong nilikha ng Bagong Lipunan ay matatawag na marikit sa antas ng prosodiya at retorika. Bilang signifier, marikit ang mga ito dahil natupad nila ang kanilang funsiyon—ang hikayatin ang marami sa lehitimisasyon ng rehimen. Pero bumabagsak ito sa bahagi ng pagiging “mabuti,” “makatarungan,” o etikal/moral dahil hindi nito isinusulong ang tunay na kapakanan ng nakararaming Filipino. Samantala, tumitingkad naman ang kariktan ng poetikong tekstong likha ni Jose F. Lacaba dahil bukod sa pagtataglay ng kariktan sa antas ng retorika/prosodiya (signifier), ang signified o tinutukoy nitong aktuwalidad ay “mabuti,” “makatarungan,” o etikal/moral para sa nakararaming Filipino. Lumalapat ang kariktan sa bisa ng pagsasatinig ng kontra-rehimeng posisyon na ekspresyon ng kalooban ng publiko nito.
Masasabing ang tradisyong Filipino sa pagtula, at ang kakawing nitong estetika o konsepto ng kariktan, ay ipinagpapatuloy ng iba’t ibang kompanyang prodyuser ng mga produkto (kooptasyon ng popular na pangkulturang praktis). Hindi na nagsasarili ang poetikong teksto kundi inilalangkap sa presentasyong odyobiswal na ipinapakonsumo sa nakararami. Malay man o hindi, ang mga kompanyang ito’y nagtataguyod na rin ng estetika ng tulang Filipino. Nasa mga ad copy ang elemento ng kariktan at kabutihan na tumatalab bilang tagasanhi ng estetikong kaluguran bagama’t mas mahigpit na tumutunton ito sa agendang komersiyal. Gayunman, matimbang pa rin ang bahaging etikal ng mga poetikong tekstong bahagi ng ad copy. Tinatangkilik ng ad copy ang mga halagahang pangunahin pa rin sa mga Filipino tulad ng pakikipagkapuwang batay sa katarungan (Pop Cola) at pagmamahal/utang ng loob sa magulang (Blue Bay Tuna). Bilang poetikong ekspresyon, hinahalinhan (o sinususugan?) nila ang didaktikong impulso ng mga tradisyonal na tula. May pagkakahawig sa kaligirang pangkomunidad ang dati at ang hyperreal na teksto. Sa mga tradisyonal na salawikain ay hindi kilala ang autor. Hindi rin kilala ang mga autor (bagama’t posibleng kilalanin o makilala kapag may Best Ad Copy Awards) ng mga broadcast at print advertisement.
Ang kultural na praktis ng panulaang Filipino, kasama na ang estetika nakapaloob sa tradisyon nito, ay naipagpapatuloy sa kasalukuyang panahon sa tulong ng komersiyo at teknolohiya. Kooptasyon ang nangyayari pero naroon pa rin ang malalim na ontolohikong reapirmasyon ng “mabubuting” halagahan o value, at maging ng posibilidad ng pagbabago. At hindi nawawala ang paggagap at pakikinabang sa mga modo ng talastasan ng mga Filipino na nakabatay sa pahiwatig at talinghaga.
[1] Virgilio S. Almario, Taludtod at Talinghaga. Pasig: Anvil Publishing, Inc. 1991. mp. 148-50.
[2] Ferdinand de Saussure, Course in General Linguistics. Edited by Charles Bally and Albert Sechehaye. New York: The Philosophical Library, Inc., 1959. Reprinted 1966 by McGraw-Hill Paperback. pp.65-66.
[3] Raymond Williams, Marxism and Literature. London: Oxford University Press, 1977. p.28.
[4] Ferdinad E. Marcos. The Democratic Revolution in the Philippines. Manila: n.p., 1977. 3rd Edition. p. 190.
[5] Bienvenido Lumbera, “The Nationalist Literary Tradition,” nasa Priscelina Patajo-Legasto, editor, Filipiniana Reader. Quezon City: University of the Philippines Open University, 1998. P. 97.
[6] Tingnan ang mga sinulat nina Alejandrino Hufana at G. Dauz.
[7] Tingnan sa Gerard Lico, Edifice Complex. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2002.
[8] Jose F. Lacaba, Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran. 1979.
[9] Napanood ang komersiyal sa mga break ng palabas na Idol Ko Si Kap, GMA Channel 7, 2 Abril 2005.
[10] Juan de Noceda at Pedro de San Lucar, Vocabulario de la lengua tagala. Manila: Imprenta de Ramirez Y Giraudier, 1860. Halimbawa ng lumang tulang di-tuwirang nangangaral:
isda acong gaga sapsap
gaga taliptip calapad,
caya naquiquipagpusag,
ang calagoyo’y apahap.
Hinggil sa wastong asal sa pakikipagkapuwa ang lumang tulang ito, partikular ang pag-aastang malaking isda (may kapangyarihan) ng maliit na isda. Ipinapahayag ang didaktikong impulso sa talinghaga at pahiwatig at hindi sa tuwirang pangangaral. Taglay rin ng tula ang mayamang verbal texture at alegorikong pagpapakahulugan (na siya namang pangunahing katangian ng mga salawikain, sa aking palagay). Ang mga katangiang textual na ito ay hindi na matatagpuan sa mga modernong ad copy na mas tuwiran o literal (hindi na alegoriko) ang modo ng presentasyon.
[11] Nalimbag sa Philippine Daily Inquirer, 20 March 2005. p. G-1.
[12] Ibid., p. L-1.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home